Ika-06 ng Disyembre taung 1976 ipinanganak ang Padaluyang Tubig ng Hagunoy. Ito ay sa susog ng Kapasiyahang Pambayan Bilang 121-A at sa ilalim ng bisa at mandato ng Pambansang Kapasiyahan Bilang 198 (PD 198) na nilagdaan ni Pang. Ferdinand E. Marcos. Sa bisa ng ‘Local Water District Law’, ang Distrito ay isang mala-pampublikong korporasyon na hindi saklaw o sa ilalim ng anumang pulitikal na samahan, na gumaganap bilang serbisyo-publiko at naglilingkod sa mga pangangailangan ng mamamayan. Sang-ayon sa batas, dapat namnamin at ibigay sa Distrito ang kapangyarihan, karapatan at pribilehiyo na ibinibigay sa mga pribadong kumpanya sa ilalim ng batas.
Ang Padaluyang Tubig ng Hagunoy ang kauna-unahang lokal na padaluyang tubig sa lalawigan ng Bulakan sa ilalim ng Conditional Comformance Certificate #31 na ipinagkaloob ng Local Water Utilities Administration (LWUA).
Bisyon ng distrito na mapanatili ang taripa ng tubig sa pinakamababa at abot-kayang halaga ng hindi isinasakripisyo ang kalidad nito at ng sa gayo’y malaya itong pakinabangan ng lahat ng mga mamamayan, habang tumutugon sa pandaigdigang pamantayan ng kalinisan at kaligtasan. Gayundin ang makapagpatupad ng isang epektibong sistemang septage para sa bayan ng Hagunoy.
Adbokasiya ng distrito na makapagpatupad ng patuloy na proyektong pangkaunlaran habang nakatuon sa pangangalaga at pagpapanatili ng yamang tubig. Marapat na tumugon sa pamamagitan ng mahusay at tamang pamamaraang hindi makasasama sa ating kapaligiran.
Ang kakayahang makapaglingkod sa pinakamataas na antas ay dapat magpatuloy sa pamamagitan ng higit pang pagpapabuti at pagpapahusay sa mga planong magbibigay daan sa mga imprastrakturang makabago, napapanahon, ligtas at matipid na sumusunod sa pandaigdigang pamantayan.
Bumuo at pamahalaan ang mahuhusay at tapat na manggagawa na mayroong malasakit, propesyunalismo at integridad sa ngalan ng distrito alang-alang sa serbisyo publiko.