Kaalinsabay ng ika-40 guning taung pagkakatatag ay nagdaos ng mga patimpalak at programa ang Hagonoy Water District, upang maghandog ng pasasalamat sa walang sawang pagtangkilik ng mga konsesyonaryo, sa mga natatanging indibidwal na nag-ambag ng husay at talino sa patubigang bayan, sa mga kabataang tagapagtuloy ng kasaysayan at alang-alang sa kapakanan ng minamahal na bayan. Isang buong taung pagdiriwang ang naganap na uminog sa temang “Tubig at Bayan Magkasaysayan, HWD 40 Taon Kasama N’yo!”
Matapos ang 10 taon ay muling nasaksihan ng bayan ang Water Cup II – Inter-High School Basketball Tournament. Ang paliga ay ginanap noong ika-8 hanggang ika-25 ng Hulyo, 2016. Ang paliga ay nilahukan ng lahat ng pribado at publikong mataas na paaralan sa Hagonoy at nagtagisam ng husay sa larangan ng basketball sa patyo ni Apo Ana at San Jose Covered Court.
Gaya ng naunang paliga, sinagot ng HWD ang uniporme ng lahat ng koponan, kasunod ng mga papremyong handog sa kani-kanilang inang paaralan. Sa huli’y itinanghal na kampeon ang Saint Anne’s Catholic School (SACS) na nag-uwi ng tropeyo at ₱ 10,000.00 matapos nilang maungusan sa Best of 3 Championship ang Ramona S. Trillana High School (RSTHS) na hindi rin naman umuwing luhaan matapos magkamit ng tropeyo at ₱ 7,000.00. Nasungkit naman ng San Pedro National High School (SPNHS) ang ikatlong pwesto na nagkamait ng tropeyo at ₱ 5,000.00 libong piso at ikaapat na pwesto naman ang Saint Mary’s Academy na nakatanggap din ng tropeyo at ₱ 3,000.00 libong piso bilang gantimpala.
Itinanghal na Most Valuable Player (MVP) si Jayjay Danganan at Best Coach si G. Ezekiel Militar, kapwa mula sa nagkampeong koponan.
Taung 2006 ng unang idinaos ang Water Cup: Alay kay Apo Ana matapos maging Hermano at pangunahan ng distrito ang pagdiriwang ng ika-425 taung anibersaryo ng pagkakatatag ng baying Hagonoy at pagdiriwang ng kapistahan ni Apo Ana, kung saan ay itinanghal na kampeon ang Sta. Monica High School. Nagtagisan din ang bawat eskwelahan sa Cheering Squad Competition at nasungkit ng Mayor Ramona S. Trillana High School ang Unang Gantimpala sa pagbubukas ng paliga.