Bilang munting sukli sa patuloy na pagtangkilik at pakikiisa ng kaniyang mga konsesyonaryo sa mga proyekto at programa ng patubigang bayan ay idinaos ang Grand Raffle Draw ng tinawag na: “40 Taon Kasama N’yo! Bayad Agad Raffle Promo”.

Sinimulan ang pamimigay ng mga raffle ticket mula ika-1 ng Marso at nagtapos hanggang ika-30 ng Nobyembre 2016. Ang lahat ng mga konsesyonaryong nagbayad sa takdang araw ng pagkatanggap ng billing notice sa tubig ay naging kwalipikadong makatanggap ng isang katumbas na ticket. Ang mga raffle stubs na tinipon sa malaking tambyolo ay sinadyang ilagay sa isang hayag na lugar sa opisina, para sa patas na pagtalima sa itinadhanang alituntunin ng paripa.

200 papremyo ang inilaan ng HWD para sa mga konsesyunaryo. Binubuo ito ng 40 lalagyan ng tubig (jug) bilang Cobsolation Prizes; 40 de kuryenteng takure bilang 4th Prizes; 40 de kuryenteng takure bilang 4th Prizes; 40 timba na pangkabuhayan bilang 3rd Prizes; 40 kaban ng bigas bilang 2nd Prizes; at 40 makinang panlaba bilang Grand Prizes. Nakatanggap din ng HWD 40th anniversary shirt ang lahat ng mga nagsipagwagi.

Ang mga nanalong hindi nakapunta sa itinakdang araw ng pagbola ay inabisahan sa pamamagitan ng telepono at email upang personal na makuha ang kanilang mga napanalunan. Gayundin ay ipinaskil sa Gusaling Ka Blas ang pangalan ng mga nagsipagwagi.

Ang nasabing Grand Raffle Draw na isinagawa sa Centro Felimon Building, na dinaluhan ng higit sa 300 mamamayan ng Hagonoy, ay pinasimulan ni Fr. Ramon R. Garcia, ganap na ika-3:00 ng hapon.

Matapos bunutin at ianunsyo ang mga nagsipagawagi ay sinundan ito ng munting salu-salo ng pamilyang tubig bilang pagdiriwang sa diwa ng ika-40 pagkakatatag ng patubigang bayan.