GAWAD DANGAL NG TUBIG

15 Indibidwal o Samahan na may Natatanging Pamana sa Padaluyang Tubig ng Hagunoy

 

Malawak at malalim ang kabuluhan ng Gawad Dangal ng Tubig. Malawak dahil sa samu’t-saring layon ng parangal na ito sa iba’t-ibang panahon, lunan at maging antas ng pamumuhay. Ang sustansya ng parangal ay hindi lamang humahangga sa pagkilala kundi sa pagpapamalas din ng angking kakayahang lumikha ng mga bagong indibidwal at samahan na sasalamin sa HWD.

Sinisimbolo nito ang pagsala-salabat ng mga kasapi ng pamayanan ng Hagunoy upang makabuo ng hindi mapipilas na hangaring kumalinga at magsilbi sa ating mga mamamayan sa ngalan ng pampublikong paglilingkod.

Ang pagdakila ng patubigang bayan sa kanilang hindi makakatkat na pamana tulad ng dalisay na pagdaloy ng tubig ay walang humpay at walang hanggang pagbibigay karangalan at karilagan sa pamamagitan ng palatuntunang ito na siyang lundo ng ika-40 Guning Taong Pagkakatatag ng Padaluyang Tubig ng Hagunoy.

Gaya ni dating Konsehal Nestor P. Tinio na siyang nag-akda ng Pambayang Kapasiyahan Blg. 121-A sa pamamagitan ng PD No. 198, na bumubuo sa HWD. Nariyan naman si Alkalde Raulito T. Manlapaz, Sr. na siyang tagapagsulong ng septage management program para sa bayan ng Hagunoy. Kasama ng iba pang nabanggit na mga indibidwal at samahan ay may mga natatanging pamana o kontribusyon sa pag-unlad ng HWD.

Sa paggunita sa ika-40 Guning Taong Pagkakatatag ng Padaluyang Tubig ng Hagunoy ay binigyan ng parangal ang mga sumusunod na indibidwal at samahan noong ika-16 ng Disyembre taong 2016 sa One Grand Pavillion Events Place, Syudad ng Malolos, Bulakan.

Samantala bilang lundo naman ng pagdiriwang ay kinilala si Gat. Blas F. Ople bilang Ama ng Padaluyang Tubig at Bayani ng Bayan. Si Ka Blas na noo’y siyang Kalihim ng Paggawa at Empleyo ang siyang nakiusap kay dating Pang. Ferdinand E. Marcos na isama ang Hagunoy, bagama’t isang maliit na bayan lamang sa mga unang syudad na magkakaroon ng patubigang bayan. Kung kaya’t siya ang naging daan sa pagkakatatag ng Hagonoy Water District. Patunay na isang bisyonaryong matatawag si Ka Blas.