Sa ngalan ng tubig, kami ay naglilingkod sa ating bayan. Sa pamamagitan ng tubig ipinadarama namin ang aming malasakit at pag-aaruga sa ating mga kababayan. Dahil dito naniniwala kaming ang akses sa malinis, ligtas at tuluy-tuloy na suplay ng tubig ay karapatang pantao at batayan ng disenteng pamumuhay na para sa lahat at hindi para lamang sa mga may kakayanang bayaran ito.
Bayaan po ninyo kaming mag-ulat sa aming mga ginawa, ginagawa at gagawin pa sa taong ito. Karapatan ninyong malaman ang mga baga-bagay na ito sapagkat ang aming mga posisyon ay ipinagkatiwala lamang ninyo sa amin.
Pagpapalit ng mga Punong Linya (Main Distribution Line). Pinalitan ng HWD ang mga 40 taong bakal na punong linya ng uPVC 6ӯ at 8ӯ (diameter). Ang mga naiwang matatandang bakal na linya ang nagiging sanhi ng paghina ng presyur sa daloy ng tubig dahil sa katandaan ng mga ito ay kumipot na ang orihinal na laki ng tubo sanhi ng buhanging naipon, pumalibot at tumigas na parang semento sa loob nito. Pinahina rin ang presyur ng tubig sanhi ng patung-patong na pagtataas ng mga kalsada dulot ay ang paglalim ng mga punong linya at pagtataas ng mga metro. Resulta rin ay ang napakahirap na pagkukumpuni ng mga tagas at pagkakabit ng mga bagong koneksyon sa tubig. Sa pagpapalit ng uPVC na linya ay mawawala na ang mga tagas ng tubig sa dating bakal na linyang nakabaon at masusugpo rin ang mga iligal na konseksyon o pagnanakaw sa tubig sa pag-abanduna sa lumang distribution lines.
Narito ang mga pinalitang mga distribution lines: Ulandes-Mercado hanggang Sta. Cruz (3.4 km), Sagrada familia hanggang Sta. Elena (2.6 km), San Nicolas hanggang boundary ng San Sebastian (1.8 km) at Buga-Tibaguin (2.3 km). Malapit na ding matapos ang pagbasal ng linya sa San Jose na may habang 1.2 km. Isusunod naman ang pagpapalit ng punong linya sa San Roque (nalubog na sa 3 pagtataas ng kalsada) na may habang 1.5 km.
Pagpapatayo ng mga Bagong 5hp Pump Stations. Sa halip na magbaon ng malalakas na bombang de motor ay matagal nang binago ng HWD ang disenyo nito sa pamamagitan ng paggamit na lamang ng 5hp submersible pump & motor sa mga istasyon nito. Ang pag-andar naman ng mga motor at bomba ay bumabalasak lamang ng 16 na oras. Ito ay upang gawing sustinable ang pagsipsip ng tubig mula sa mina sa ilalim ng lupa at ng sa gayo’y iwasang masaid ito bagkus ay mabilis na maipanumbalik ang sinisipsip na tubig (recharge) at mapalitan kaagad (replenish).
Simula Enero 2018 ay 2 bagong de 4ӯ poso ang ipinatayo sa San Agustin (Loarta at Mestiza), isang istasyon ang kasalukuyang tinatapos sa Taytayin at 3 pang istasyon ang nakaplanong itayo sa Hangga, San Pablo at San Jose. Ang mga karagdagang pump stations na ito ang sisiguro sa lumalaking pangangailangan sa bastante, malinis at ligtas na suplay ng inuming tubig hindi lamang sa mga barangay na nabanggit kundi maging sa mga kanugnog na lugar. Ito ay dahil sa ang ating sistema ng patubig ay magkakasudlong (interconnected).
Pagpapalit/Paglalatag ng mga Karugtong na Linya ng Tubig (Extension Line). Upang masiguro na malakas ang presyur ng tubig sa mga extension lines ay minabuti ng HWD na magladlad ng kadanay (parallel) na 200 metrong 2ӯ na linya sa Bukid Sapang Malaki-Sta. Monica, 120 metrong 1ӯ linya sa Loarta-San Agustin, 500 metrong 3ӯ na linya sa Bangungon-San Pedro at 500 metrong 4ӯ na linya naman sa Sapang Patay-Paombong. Tinugunan din ang petisyon ng mga residente sa Peralta Bukid-San Sebastian sa paglalagay doon ng extension line na may habang 300 metro 2ӯ na linya.
Paglalagay ng mga “Abang” (Stand-by 1”Ø Watermeter Standing). Bukod pa sa mga naka-antabay na abang sa mga barangay na sumailalim na sa pagpapalit ng linya sa mga nagdaang taon ay naglagay ang HWD ng 82 abang na 1”Ø sa mga barangay na sumailalim sa bagong pagpapalit ng linya. Ang mga abang na ito ay nakareserba para sa mga bagong koneksyon sa hinaharap. Dahil dito ay hindi na kinakailangan pang gumastos sa pagpapa-jackhammer at pagpapasemento ng nasirang kalsada ang mga bagong aplikante. Kaya ng mga abang na ito na sustinahan ang hanggang sa 8 koneksyon ng tubig.
Paglalagay ng mga Karagdagang Fire Hydrants. Sa kabuuan ay mayroong umiiral na 85 fire hydrants na nakalaganap sa iba’t-ibang barangay sa bayan ng Hagunoy. Ito ay nakatayo sa gilid ng mga pangunahing kalsada upang siguruhing may makukuhanang tubig ang Himpilan ng Pamatay Sunog sa mga panahong mayroong sunog at iba pang mga sakuna. Sa kayarian ng pagpapalit ng linya sa silangang gawi ng ating bayan ay plano pang magdagdag ng 15 fire hydrants ng HWD. Ginagamit din ang mga fire hydrants na ito sa regular na “flushing” upang siguruhing malinis ang linya ng tubig.
Bilang karagdagan, mula Enero hanggang Mayo 2018 ay 1,354 metro ng tubig ang isinailalim sa calibration upang tiyaking tumpak ang rehistro nito, 475 punong linya/metro ang itinaas sanhi ng pagtataas ng mga kalsada at paraan, 484 konsesyonaryo ang nakabitan ng bagong koneksyon sa tubig, 326 na tagas (leaks) ang kinumpuni, 373 na kahilingan ng konsesyonaryo ang tinugunan at 418 na mga reklamo ng mga konsesyonaryo ang ginawan ng aksyon at solusyon.
WALANG TAAS-SINGIL SA TUBIG. Sa mga proyektong ito ay nararamdaman na ng ating mga kababayan ang higit na malakas at tuluy-tuloy na serbisyong patubig sa kani-kanilang mga tahanan. Kaakibat man ng mga proyektong ito ang malaking gastusin ng HWD ay tinitiyak po namin na walang taas-singil sa tubig na magaganap. Ito ay sa kabila ng naka-iskedyul na pagtataas sana noong Enero 2017, na aprubado ng LWUA at dumaan sa public hearing subalit mas pinili ng mga tagapamuno ng tanggapan, na ito ay huwag ipatupad at ipagpaliban alang-alang sa kapakanan ng mas nakararami nating kababayan.