Sa bisa ng PD 198 na siyang lumikha sa mga lokal na water districts (WDs) sa bansa ay minamandato ang Hagonoy Water District na pamahalaan ang Septage Management System sa bayan ng Hagonoy.  Batay naman sa Supreme Court Mandamus on Manila Bay na inisyu noong ika-18 ng Disyembre 2008, inuutusan ng Korte Suprema ang Local Water Utilities Administration (LWUA) sa pamamagitan ng mga water districts na magbigay, maglagay, magpatakbo at tustusan ang sewerage at sanitation facilities sa mga syudad o mga bayan sa Bataan, Bulacan, Pampanga, Cavite at Laguna na nakapalibot sa Manila Bay. Kailangang pagsapit ng taong 2019 ay tumatakbo na ang Septage Management Treatment Plant (STP) sa mga baybaying bayang tinukoy kasama na ang Hagonoy.  Ito ay alinsunod din sa Clean Water Act of 2004 kung saan ang mga padaluyang tubig at mga lokal na pamahalaang bayan ay inaatasang magkaroon ng tamang sewerage system o di kaya’y sanitation improvement sa pamamagitan ng Septage Management Program upang maisaayos, magamot at maging kapaki-pakinabang ang mga poso-negro sa kani-kanilang bayan.

Setyembre 2011 sinimulan ng HWD ang pagbalangkas at pagbuo ng feasibility study para sa septage management program sa pagpasok at paglagda sa kasunduan o Memorandum of Agreement sa pagitan ng USAID, Hagonoy Water District sa pamumuno ni Inh. Tino S. Vengco, Phillipine Water Revolving Fund (PWRF) at Development Bank of the Philippines.  Matapos ang mga survey at masusing pag-aaral ng PWRF-SP Advisory Team at ng HWD Study Team ay natapos ang FS noong  2011. Ang sipi ng feasibility study ay kaagad na ipinamahagi sa mga lokal na opisyal ng pamahalaang bayan  upang makapagpatibay ng isang ordinasang pangsanitasyong kinakailangan. Inuutusan din ang pamahalaang bayan na suportahan ang program sa pamamagitan ng pagpasa ng mga kaukulang dokumento: (1) ordinansa sa sapilitang regular na pagpapasipsip ng poso-negro kasama na ang pagbabayad para sa inspeksyon, pagmimintina at iba pang gastusin; (2) Kasulatan ng Pagbibigay ng Lupa na pagtatayuan ng STP; at (3) pampublikong pagdinig.

Sa pag-aaral na ginawa ay hinati ang bayan  sa limang (5) sona kung saan ang lahat ng barangay na nabibilang sa bawat sona ay tatapusing  serbisyuhan sa loob ng isang (1) taon. Sa loob lamang ng limang (5) taon ay inaasahang maseserbisyuhan ang buong bayan. Matapos ang ika-limang (5) sona ay babalik ang pagseserbisyo sa unang (1) sona. Kung kaya’t ang muling pagpapasipsip ng poso-negro (desludging) ay sa tuwing ika-limang (5) taon.

Sa kasalukuyan ay sumusulong na ang usaping ito sa pamamagitan ng mga nagaganap na pagpupulong sa Sangguniang Bayan sa ilalim ng Lupon ng Pangangalagang Pangkalikasan sa pamumuno ni Konsehal Millord Cruz, mga kinatawan ng pamahalang bayan mula sa Tanggapan ng Pambayang Inhinyero, Pangangalagang Pangkapaligiran at nang Padaluyang Tubig sa pamumuno ni Inh. Tino S. Vengco. Kinakailangan na ring balangkasin, lagdaan at ipasa ang mga kaukulang ordinansa ng Sangguniang Bayan sa pagpapatupad ng sistemang septage.

May natukoy na ring panukalang lupang pagtatayuan ng STP na matatagpuan sa barangay Carillo.  Ito ay lupang pag-aari ng pamahalaang bayan na ibibigay sa HWD  sa pamamagitan ng Deed of Donation.

Siniguro naman ni Inh. Tino S. Vengco na isusulong niyang maging isa sa pinakamababa ang environmental fee na sisingilin sa lahat ng pamilyang sakop ng programang ito.  Inaasahang sa buwan ng Hulyo 2018 ay isasagawa ng Sangguniang Bayan ang Pampublikong Pagdinig para sa nasabing ordinansa.

Sa Septage Treatment Plant dadalhin ang sinipsip na  dumi (septage) ng vacuum truck mula sa mga poso-negro at ito ay gagamutin hanggang sa ang tubig nito ay maging malinis at walang amoy bago ito ibalik sa kailugan.  Maaari din itong gamiting patubig sa agrikultura at ang tining (sludge) ay magagamit naman bilang pataba (fertilizer).